Home
Mga Utos ng Diyos na Dapat Sundin
- Details
- Written by: Kuya PJ
- Category: Blog
- Hits: 2068
Exodo 20:3-17
3 “Huwag kang sasamba sa ibang diyos, maliban sa akin.
4 “Huwag kang gagawa ng imahen ng anumang nilalang na nasa langit, nasa lupa, o nasa tubig upang sambahin. 5 Huwag mo silang yuyukuran ni sasambahin sapagkat akong si Yahweh na iyong Diyos ay mapanibughuing Diyos. Ang kasalanan ng mga magulang ay sinisingil ko sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi. 6 Ngunit ipinadarama ko ang aking pag-ibig sa libu-libong salinlahi ng mga umiibig sa akin at tumutupad sa aking mga kautusan.
7 “Huwag mong gagamitin sa walang kabuluhan ang pangalan ni Yahweh na iyong Diyos. Tiyak na paparusahan ko ang sinumang gumamit nito nang walang kabuluhan.
8 “Lagi mong tandaan at ilaan para sa akin ang Araw ng Pamamahinga. 9 Anim na araw kang magtatrabaho, at tapusin mo ang dapat gawin. 10 Subalit ang ikapitong araw ay para kay Yahweh na iyong Diyos; ito ay Araw ng Pamamahinga. Sa araw na ito'y huwag magtrabaho ang sinuman sa inyo; kayo, ang inyong mga anak, mga aliping lalaki o babae, ang inyong mga alagang hayop, ni ang mga dayuhang nakikipamayan sa inyo. 11 Anim na araw kong nilikha ang langit, ang lupa, ang mga dagat at ang lahat ng nasa mga ito. Ngunit namahinga ako sa ikapitong araw. Kaya't ito'y aking pinagpala at inilaan para sa akin.
12 “Igalang mo ang iyong ama at ina. Sa gayo'y mabubuhay ka nang matagal sa lupaing ibinibigay sa inyo ni Yahweh na inyong Diyos.
13 “Huwag kang papatay.
14 “Huwag kang mangangalunya.
15 “Huwag kang magnanakaw.
16 “Huwag kang sasaksi nang walang katotohanan laban sa iyong kapwa.
17 “Huwag mong pagnanasaang maangkin ang sambahayan ng iyong kapwa: ang kanyang asawa, mga alilang lalaki o babae, mga baka, asno o ang anumang pag-aari niya.”
Mateo 22:36-40
36“Guro, alin po ang pinakamahalagang utos sa Kautusan?” tanong niya. 37 Sumagot si Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, at nang buong pag-iisip. 38 Ito ang pinakamahalagang utos. 39 Ito naman ang pangalawa: Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili. 40 Sa dalawang utos na ito nakasalalay ang buong Kautusan ni Moises at ang katuruan ng mga propeta.”
Efeso 6:1-3
1 Mga anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito ang nararapat. 2 “Igalang mo ang iyong ama at ina.” Ito ang unang utos na may kalakip na pangakong 3 “Ikaw ay giginhawa at hahaba ang iyong buhay sa lupa.”
Efeso 6:4
4 Mga magulang, huwag kayong gumawa ng mga bagay na ikagagalit ng inyong mga anak. Sa halip, palakihin ninyo sila ayon sa disiplina at katuruan ng Panginoon.
Juan 13:34-35
34“Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo ngayon, mag-ibigan kayo! Kung paano ko kayong inibig, gayundin naman, mag-ibigan kayo. 35 Kung kayo'y mag-iibigan, makikilala ng lahat na kayo'y mga alagad ko.”
Mateo 6:25-27
25 “Kaya't sinasabi ko sa inyo, huwag kayong mabalisa tungkol sa inyong kakainin at sa inyong iinumin upang kayo'y mabuhay o kaya'y tungkol sa susuutin ng inyong katawan. Hindi ba't ang buhay ay higit na mahalaga kaysa pagkain at ang katawan kaysa damit? 26 Masdan ninyo ang mga ibon. Hindi sila nagtatanim ni umaani man o kaya'y nagtitipon sa kamalig, ngunit pinapakain sila ng inyong Ama na nasa langit. Hindi ba't higit kayong mahalaga kaysa mga ibon? 27 Sino sa inyo ang makakapagpahaba ng kanyang buhay nang kahit isang oras sa pamamagitan ng kanyang pagkabalisa?
Mga Pangako Ng Diyos
- Details
- Written by: Kuya PJ
- Category: Blog
- Hits: 2832
Mga Awit 145:8-9
8Si Yahweh'y mapagmahal at puno ng habag, hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas. 9Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
Jeremias 29:11-14
11Sapagkat batid kong lubos ang mga plano ko para sa inyo; mga planong hindi ninyo ikakasama kundi para sa inyong ikabubuti. Ito'y mga planong magdudulot sa inyo ng kinabukasang punung-puno ng pag-asa. 12Kung maganap na ito, kayo'y tatawag, lalapit, at dadalangin sa akin, at diringgin ko naman kayo. 13Kapag hinanap ninyo ako, ako'y inyong matatagpuan; kung buong puso ninyo akong hahanapin. 14Oo, ako'y matatagpuan ninyo, sabi ni Yahweh, at ibabalik ko ang inyong mga kayamanan. Titipunin ko kayo mula sa lahat ng bansa at pook na pinagdalhan ko sa inyo, at ibabalik sa dakong pinagmulan ninyo bago kayo nabihag.
Mateo 6:31-33
31“Kaya't huwag kayong mag-alala na baka kayo kapusin sa pagkain, inumin o damit. 32Hindi ba't ang mga Hentil ang nababahala tungkol sa mga bagay na ito? Alam na ng inyong Ama na nasa langit na kailangan ninyo ang lahat ng ito. 33Ngunit higit sa lahat ay bigyang-halaga ninyo ang kaharian [ng Diyos] at ang pamumuhay nang ayon sa kanyang kalooban, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng mga bagay na ito.”
Santiago 1:5-8
5Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay kulang sa karunungan, humingi siya sa Diyos at siya'y bibigyan, sapagkat ang Diyos ay nagbibigay nang sagana at hindi nanunumbat. 6Subalit ang humihingi ay dapat magtiwala sa Diyos at huwag mag-alinlangan, sapagkat ang nag-aalinlangan ay parang alon sa dagat na itinataboy ng hangin kahit saan. 7Huwag umasang tatanggap ng anuman mula sa Panginoon ang taong 8pabagu-bago ang isip at di alam kung ano talaga ang nais niya.
Mga Awit 23:1-6
1Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang; 2 pinapahimlay niya ako sa luntiang pastulan, at inaakay niya sa tahimik na batisan. 3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan, at pinapatnubayan niya sa tamang daan, upang aking parangalan ang kanyang pangalan. 4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan, wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay. Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang. 5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo, na nakikita pa nitong mga kalaban ko; sa aking ulo langis ay ibinubuhos, sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos. 6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay; at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Deuteronomio 31:8
8Si Yahweh ang mangunguna sa iyo. Sasamahan ka niya. Hindi ka niya bibiguin o pababayaan man, kaya't huwag kang matakot ni panghinaan ng loob.
Hebreo 13:5-6
5Huwag kayong magmukhang pera; at masiyahan na kayo sa anumang nasa inyo. Sapagkat sinabi ng Diyos, "Hindi kita iiwan ni pababayaan man." 6Kaya't malakas ang loob nating masasabi, "Ang Panginoon ang tumutulong sa akin, hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng tao?"
Mga Awit 145:9
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi; sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.
1 Cronica 16:34
Purihin si Yahweh, sa kanyang kabutihan; pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Mga Awit 100:5
Napakabuti ni Yahweh, pag-ibig niya'y walang hanggan, pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!
Santiago 1:17
Ang lahat ng mabuti at ganap na kaloob ay buhat sa Diyos, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa kalangitan. Hindi siya nagbabago, o nagdudulot ng bahagya mang dilim dahil sa pagbabago.
2 Samuel 7:28
"Panginoong Yahweh, kayo'y tapat at tumutupad sa mga pangako ninyo sa akin".
Mga Awit 19:7
Ang batas ni Yahweh, walang labis walang kulang, ito'y nagbibigay sa tao ng panibagong kalakasan. Ang mga tuntunin ni Yahweh'y mapagkakatiwalaan, nagbibigay ng talino sa payak na isipan.
Mga Awit 34:7
Anghel ang siyang bantay sa may takot sa Diyos, sa mga panganib, sila'y kinukupkop.
Mga Awit 34:8
Tingnan mo at lasapin ang kabutihan ni Yahweh; mapalad ang mga taong nananalig sa kanya.
Nahum 1:7
Si Yahweh ay napakabuti; matibay na kanlungan sa panahon ng kaguluhan. Mga nananalig sa kanya'y kanyang inaalagaan.
Mga Awit 84:11
Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang, kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal. Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.